GenSan City Mayor Pacquiao, inabutan ng "Key to the City" ni Baguio City Mayor Magalong
GENERAL SANTOS CITY, Philippines — Naging maganda ang resulta ng pagbisita ni Mayor Lorelie Geronimo Pacquiao sa City of Pines, ang Baguio, matapos na mag-usap sila ng Lokal na Punong Ehikutibo na si Mayor Benjamin Magalong at naibahagi niya ang Good Practices ng kanilang lungsod.
Isa sa napag-usapan ay ang mga hakbang na kanilang nagawa at ginagawa ngayon para maging isang “Smart City.” Ang Smart City ay isang roadmap sa paggamit ng teknolohiya at mga makabagong inobasyon para sa mapa-unlad at maiangat ang urban living conditions at para mapa-level up ang pagbibigay ng serbisyo publiko gamit ang teknolohiya at sistema.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang delegasyon ng GenSan na masilip ang kanilang 911 Command Center. Dito nakita kung paano nakatulong sa kanilang pamamahala sa modernong teknolohiya para maging epesiyente ang pamamahala sa trapiko, emergency response, at CCTV cameras.
Ikinagalak naman ni Mayor Pqcquiao nang ibigay ni Mayor Magalong ang “Key to the City," dahil magbubunga ito ng isang maganda at mabungang relasyon ng syudad ng Baguio at ng General Santos.
Ilan lang ito sa mga naging aktibidad sa isinagawang “benchmarking” sa Baguio at para magkaroon din ng ideya para mas lalo pang mapaunlad ang mga imprastraktura, maging sa ICT, serbisyo, at governance.
Samantala, may mga mabubuting gawain din tayong naibahagi sa kanila na ipinapatupad din natin sa ating lungsod. At inaasahan makabuo ng mas matibay pang relasyon ang Baguio at General Santos City.


















